Friday, June 1, 2007

Ang Langgam sa Carpet

Ngayon lang naging klaro ang mga bagay-bagay sa akin. Dalawang taon at dalawang buwan na ang lumipas at ngayon lang nabuo ang mga bahagi ng isang higanteng jigsaw puzzle. Noong mga nakaraang taon, bahagi lamang ng kabuoan ang aking natatanaw. Kumbaga, kung ako ay isang langgam sa ibabaw ng isang carpet, mga hibla at sinulid lang ang aking nakikita. At ngayon? Tanaw ko na ang mga disenyo at burdang binubuo ng mga hibla at sinulid. Mas maganda, mas kahanga-hanga!

Hindi mo ako masisisi kung bakit ganoon katagal ang dapat lumipas, kung bakit kailangang manatili sa katititig sa mga hibla at sinulid kung ang tunay na ganda ay yaong binubuo ng mga ito. Madilim ang aking natatanaw. Natatakpan ng mga alabok ng pagkalito at pighati ang aking rasyonal na pag-iisip. Sa tuwing kinokompronta ako ng mga pangitain noong mga panahong iyon, lagi akong umiiwas. Ayaw ko silang harapin – ang mga taong nanakit sa akin, ang damdaming bumagabag sa akin at ang walang katapusang pagtatanong na animo’y isang multo na hindi matahimik at hindi matapus-tapos sa kanyang pagmumulto.

***

“Wala akong kasalanan! Hindi ako nagkulang! Ako ang biktima rito! Wala kayong puso!”

Masakit sa akin ang mga bagay-bagay noon at hanggang ngayon, kahit naghilom na ang mga sugat, hindi ko pa rin maalis ang aking paningin sa mga naiwang peklat at galos – tanda ng mga sugat na iniwan ng mga sibat at palasong pinakawalan ng aking mga taga-usig. Sila ay malulupit, mapangutya… Naaalala ko pa rin ang kanilang mga hiyawan at kantiyawan habang ako’y nakadapa at nakahalik sa lupa.

Bagaman noong mga panahong iyon, sugatan at nanghihina, hindi ako nagdalawang isip na ipagpatuloy ang laban. Tumayo ako mula sa pagkakasadlak at humarap sa kanila. Naglakad ako patungo sa kanilang kampo at nakipagkamay. Hinandog ko ang aking pang-unawa at umasa na sila ay maaantig sa aking hitsura. Subalit, binigayan lang nila ako ng malamig na tingin, malamig na pakikitungo… Walang pumansin sa akin, maliban sa isa.

Hindi ko alam kung tatanggapin ko ang pagkakaibigang inalay sa akin ng pinuno ng hukbong tumugis sa akin. Hindi ko siya kayang pagkatiwalaan bagama’t natuwa ako sa kabutihang hinandog niya sa akin. Salamat, may handang tumulong at mag-abot ng kanyang palad. Subalit, sa kabila ng magandang pakikitungo, hindi pa rin mapalagay ang aking loob.

Ngayong gabi, napatunayan ko ang kabusilakan ng heneral ng hukbo. Siya ay totoong tao at nakuha niya di lamang ang aking paghanga kundi pati ang aking respeto.

Dalawang taon at dalawang buwan ang lumipas at namatay na ang kilusang tumutugis sa akin. Sa totoo lang, ako ay natatakot pa rin, naghihintay sa mga nagbabadya sa hinaharap, naghahanda sa anumang pagsalakay.

Puno pa rin ako ng takot at pangamba subalit kailanman ay hindi ko pagdududahan ang heneral ng hukbo. Hindi kailanman!

***

Sa ngayon ay natatanaw ko na ang kabuuan ng carpet. Nakikita ko na ang kagandahan mula sa itaas, mga tanawing hindi ko natagpuan noong ako ay nakatuon pa sa mga hibla at sinulid.

***

Maraming salamat sa lakas ng loob upang harapin ang nakaraan. Maraming salamat sa katotohan. Maraming salamat, heneral!

No comments: